Inoobserbahan ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 65-anyos na babae matapos siyang tagain sa ulo ng isang tricycle driver gamit ang bolo nitong Martes ng umaga sa isang eskinita sa kanto ng Pimbago at Rawatun St., Barangay 648, San Miguel, Maynila.
Kinilala ni PSSg Jeus Cris S. Jacalne ng Manila Police District-Police Station 14 ang biktima na si Gloria Mahilac, residente ng Rawatun Street sa nasabing barangay.
Kinilala ang suspek na naaresto ng mga pulis sa follow-up operation na si Jabbar Mocaebat, 29, taga- Pimbago Street.
Naganap ang insidente alas-8:10 ng umaga.
Napag-alaman batay sa kuha sa CCTV camera na sinundan ng umano’y nanaga ang biktima sa paglalakad papunta sa bahay ng kanyang anak na si Joan, 31, sa Rawatun Street.
Nakita ni J oan ang duguang biktima at agad itong isinugod sa JRMMC.
Kasunod nito, nagtungo si Joan sa barangay upang iulat ang insidente kung saan nagsagawa ng follow-up operation ang mga tanod upang arestuhin si Mocaebat.
Sinabi ng imbestigador na si Jacaine na ang suspek na nakakulong ay iniimbestigahan para matukoy ang motibo ng kanyang aksyon. TCS