DYARYO TIRADA
Kalidad ng hangin sa Baguio sumama
Naging kritikal ang lebel ng kalidad ng hangin sa Baguio dahil sa ilang sunog sa gubat sa Benguet, pahayag ni Mayor Benjamin Magalong kahapon.
Nasa Panagbenga Festival si Magalong nang sabihin niya ang pagsama ng kalidad ng hangin sa siyudad dahil sa usok na dala ng sunog sa bundok ng Santo Tomas sa bayan ng Tuba.
Naitala ang kritikal na level sa mga sensor.
"Mayroon kaming 80 mobile sensor sa buong siyudad ng Baguio at mayroon kaming limang static na mga sensor. Nakikita namin na umaabot sa critical levels lalo na sa mga barangay na malapit sa sunog tulad ng Loakan, Camp 7, Kias area," ayon sa alkalde.
Mabilis naman bumaba ang tala ng sensor matapos itong pumalo sa critical.
Nagtala na ang Baguio ng 21 sunog sa gubat ngayong taon. Madali namang naapula ang mga ito, aniya.
Pinakamatinding sunog ay ang sa John Hay bagaman 4.5 ektarya lamang ang apektado. Sa may Philippine Military Academy naman ay 20 ektarya ang apektado.
Sa Tuba, umabot na sa 65 ektarya ang nasunog na gubat.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, may dalawa pang sunog sa bundok ng Santo Tomas ang hindi naaapula dahil nahirapan ang mga bumbero na puntahan ang lugar na nakakiling.