Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Beatrice Gomez, nanawagan

DT · Dec 31, 2022, 5:10 AM

Ngayong marami ang nasalanta nang pag-ulan at pagbaha sa ilang mga probinsya sa Visayas at Mindanao, nanawagan na ng tulong si Miss Universe Philippines 2021 na si Beatrice Gomez sa kasagsagan ng pagdiriwang ng holiday season.

Ang panawagan niya ay para sa mga residente sa Misamis Occidental na apektado ng matinding pagbaha na dulot ng matinding pag-ulan na sanhi ng tinatawag na "shear line."

Bukod sa mga evacuees ay marami na rin ang naitalang patay dahil sa baha.

Kaya naman si Bea ay naglunsad na ng donation drive upang mabigyan ng tulong ang mga apekatdo ng ulan at sa kanyang IG, nanghihingi na siya ng mga donasyon, gaya ng damit, tubig, pagkain at kumot.

"Given the current devastation in the province of Misamis Occidental, our goal is to extend help by organizing a donation drive to ensure and provide an immediate response to the victims of flash floods in the areas of Misamis Occidental," sabi ni Beatrice.

Hindi ito ang unang beses na tumulong sa mga nasalanta si Beatrice dahil Enero ngayong taon ay nagkaroon ang beauty queen ng relief operations para sa mga naging biktima ng sunog sa Mandaue.

Tumulong din siya noong nanalasa ang Typhoon Odette sa Cebu na kung saan ay pati ang kanyang sariling pamilya ay na-stranded dahil sa matinding bagyo.