Ngayong tapos na ang pagdiriwang ng Pasko, pinaghahandaan naman ng sambayanan ang pagsalubong sa Bagong Taon at dahil nagluwag na nga ang alert level restrictions, inaasahan na may mga Pinoy na sasalubong dito sa magarbong paraan.
At siyempre, siguradong hindi mawawala ang pagpapaputok na isa nang tradisyon nating mga Pilipino sa tuwing sasapit ang Bagong Taon.
Noong araw, marami ang naitatalang nasasaktan at napuputukan ng mga rebentador na nauuwi sa pagkabawas ng mga daliri sa kamay at kung minsan naman ay nauuwi rin sa hindi inaasahang kamatayan.
Pero ngayong may mga batas nang nagbabawal sa pagpapaputok at ang pagtatalaga ng mga lugar kung saan maaaring makapagsindi ng mga paputok na ligtas, medyo bumaba na rin ang bilang ng mga nasasaktan dahil sa paputok.
Kaya naman ilang araw bago ang Bagong Taon, sanib-puwersa ang mga awtoridad sa pag-inspeksiyon ng mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan kung saan nagsama-sama ang ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Department of Trade and Industry, at lokal na pamahalaan ng Bocaue para busisiin ang mga tindahan ng paputok.
Tiningnan nila kung sumusunod ang mga tindahan sa requirements at inaalam kung mayroong mga smoke alarm at fire extinguisher ang mga ito.
Ininspeksiyon din kung may posibleng leak ang bubong ng mga establisimyento.
Para iwas-aksidente, nagbigay din ng payo ang BFP at PNP para iwas-sunog at iwas-aksidente ngayong papalapit na ang Bagong Taon.
Una'y kung maagang bibili ng paputok, mainam umanong ilagay ito sa tamang puwesto sa bahay. Huwag umano sa ilalim ng lababo na puwedeng may water leak at kinakailangang nasa room temperature lang.
"Kung nakabili na kayo i-store sa [lugar na] hindi nababasa, hindi mainit… kung maliit ang bahay, 'wag madami ang bilhin na parang nagho-hoarding," saad ni Fire Senior Inspector Allen Genavia.
Sa gagamit ng paputok, tiyaking binasa nang mabuti at susundin ang instructions sa pagsindi. Huwag hayaan na bata o nakainom ng alak ang magsindi nito.
Ayon kay Maj. Isabelo Mondejar ng Bocaue police, huwag na ring mag-eksperimento sa paputok, gaya ng paghalo ng pulbura at maglagay din umano ng timba ng tubig malapit sa pagsisindihan ng paputok.
Inirekomenda rin ng mga awtoridad na lumahok na lang sa community fireworks display.
Kaya habilin lamang sa ating mga kababayan, ingat po tayo palagi.