DYARYO TIRADA
Tuloy ang buhay
Habang ang halos lahat ay nagdiriwang ng Pasko, mayroon pa ring ilan sa ating mga kababayan ang naghahanap-buhay kahit holiday dahil sa pangangailangan at sa tawag ng tungkulin.
May ilan sa ating mga kababayan ang mas piniling mag-Pasko sa kalsada sa kagustuhang kumita pa ng extra at may maiuwi sa kanilang mga pamilya kaya naman ang iba ay dumadayo pa sa mga matataong lugar upang masigurong magkakaroon ng benta.
Samantala, ang iba naman – gaya ng mga doktor, nurses at mga pulis – ay nasa kani-kanilang mga puwesto nang sumapit ang Pasko dahil na rin sa kanilang mga tungkulin.
On call naman lagi sa biglang sakiua ang mga rescue workers at medical personnel.
Nakabantay ang mga emergency medical service staff ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga namamasyal sa QMC kung mangangailangan ng tulong, gaya ng mga nawawalang bata.
Kahit parang ordinaryong araw lang ang Pasko para sa mga manggagawa tulad nila, umaasa silang naiintindihan ito ng mga mahal nila sa buhay.
Dagdag pa nila, kapalit ng pagkawalay sa mga kapamilya ang materyal na pakinabang sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at nagpapatuloy na pandemya.
Pasko man o hindi, talagang tuloy pa rin ang buhay para sa ating mga kababayan na nagsasakripisyo na mawalay sa kanilang mga pamilya sa isa sa mga pinaka-importanteng okasyon.
Isang pagpupugay para sa ating mga kababayan na tuloy pa rin sa pagtatrabaho kahit pa holidays.