Naging emosyonal ang aktres na si Marian Rivera nang mapa-throwback siya sa kanyang kabataan noon na malayo sa kanyang nanay at tatay.
Sa isang panayam, sinabi ng aktres na noong una ay nag-struggle siya kung paano babalansehin ang kanyang showbiz career sa pagkakaroon n'ya ng pamilya.
"Nu'ng una, yes po. Parang inisip ko sayang naman 'yong career, and then may asawa ako and may anak. And nag-focus ako. Sabi ko sa sarili ko, 'Ano ba talaga ang importante sa akin? Ano ba talaga ang totoong dream ko sa buhay?'" sabi ni Marian.
Noon pa man ay pangarap na daw n'ya na magkaroon ng buong pamilya kaya naman ang family daw n'ya ang naging priority n'ya.
Hiwalay kasi ang nanay ni Marian na si Amelia Rivera sa Spanish dad n'yang si Francisco Gracia. Bukod pa doon, matagal na naging overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang ina kaya lumaki s'ya sa piling ng kanyang Lola Iska.
"Malinaw sa akin na family talaga ang priority ko, which is my husband at 'yong dalawang anak ko. So, as long as kailangan ako ng family ko, family muna. And then after po work, p'wede naman mag-work. Pero number one is my family," saad ni Marian.
"Pangarap ko po talaga maging nanay. Kasi alam naman ni Dong kung saan ako nanggaling…family na separated. Sabi ko, 'If given a chance, Lord, isa lang talaga ang hiling ko…parang ultimate. Talagang buo ang pamilya tapos happy family and together talaga,'" dagdag niya.
At nang matanong s'ya kung ano ba ang hindi n'ya naranasan noong bata pa s'ya na gusto n'yang maranasan ngayon ng mga anak nila ni Dong ay dito na naging emosyonal si Marian.
"Nandyan 'yong nanay at tatay. Kasi ako talagang wala, e. Lola talaga," saad ng aktres. "So 'yon talaga 'yong dream ko na nand'yan kami ni Dong for the kids. Kasi even lola nand'yan, si nanay, wala akong reklamo, pero iba pa rin 'yong nanay at tatay."