DYARYO TIRADA
Kaunting ginhawa
Ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan, isang magandang balita ang bubungad sa ating mga kababayan lalo sa ating mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan dahil sa nakaambang rollback sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Kahit paano ay may kaunting ginhawa at makakahinga na muli sa dagdag gastos ang mga motorista at tsuper dahil inaasahan na mababawasan na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kasi sa ilang mga ulat, maaaring mabawasan ng P3.00 hanggang P3.30 per liter ang presyo ng diesel habang nasa P1.40 hanggang P1.70 per liter naman ang matatapyas sa gasolina.
Ito na magiging ika-apat na linggong sunod na may fuel price rollback. Nitong nakaraang Martes, halos P2 per liter ang nabawas sa presyo ng diesel at gasolina.
Karaniwang inaansyo ng mga oil company ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad sa Martes.
Sa taong ito, umabot sa P31.95 per liter ang kabuuang nadagdag sa presyo ng diesel, P15.8 per liter sa gasoline, at P26.2 per liter sa kerosene.
Ang nakaambang rollback na ito ay hindi maikakailang malaking tulong ito sa ating mga kababayan na talaga namang abot-langit na ang pag-iisip kung paano makakapagtipid at kung paano magkakaroon ng ekstrang kita dahil nalalapit na nga ang Pasko.
Sana lamang talaga ay magsunuran na rin ang iba pang mga pangunahing bilihin na hanggang ngayon ay nagtataasan pa rin.