Talagang nagiging talamak na ang mga online scamming ngayong nasa internet age na tayo at nagsusulputan na ang iba't ibang teknolohiya na nagpapabilis ng mga gawain sa araw-araw.
Hindi naman kasi talaga maiiwasan na may mga taong nagsasamantala pa rin sa mga hindi masyadong maalam sa mga bagong teknolohiya kaya mas mabilis silang naeenganyo at naloloko.
At nitong nakaraan lamang, gumawa ng ingay sa balita ang ilegal na pagkaka-recruit para sa isang crypto-scam sa Myanmar.
Ang crypto currency ay isa sa mga bagong paraan ngayon upang kumita ng pera, pero yun nga lang, digital pa rin ito at hindi mo agad mahahawakan ang perang maiipon mo rito.
Paliwanag ni Philippine National Police Anti-Cybercrime Group spokesperson PLt. Michelle Sabino, maraming Pinoy na ang nagogoyo na pasukin ang ilang maanomalyang investment.
"So marami kasi sa'ting mga Pilipino hindi familiar dyan sa mga crypto investment. Kaya marami ang naloloko sa crypto investment na ino-offer nila," sabi ni Sabino. "Nag-o-offer sila ng mga malaking payouts, tapos na sasabihin nila yung mga risk, nag-o-offer sila ng malaking kita at promises of big returns na very minimal daw ang risk."
"Minsan meron mga celebrities, or yung mga ginagaya nila yung government agencies na nagpe-pretend na mga, na legitimate yung kanilang company. Tapos meron silang mga big claims na walang details, explanation on how yung process, kung paano ka kumikita nang malaki," dagdag niya.
Sinabi pa ni Sabino na karaniwang pinagda-download ng app ang mga nabibiktima ng crypto investment scam.
"Tayo naman, ang regular Filipino naman,magpapasok siya ng money through either digital wallets or yung online banking. Tapos doon sa app na download mo, makikita mo sa dashboard nila, nandoon yung pera mo. So nakikita mo like, like after a week or two weeks' time, lumalaki na yung pera mo, which, na habang lumalaki mas nae-engganyo ka ngayon na magdagdag pa ng investment," sabi ni Sabino.
"Malalaman mo na lang na na-scam ka is once you start withdrawing your money, the app would not allow you to withdraw," dagdag pa niya.
Ayon kay Sabino, meron ding mga app na sasabihing kailangan mo munang magbayad bago po umano'y makuha ang iyong pera.
"Kasi malaki na yung pera mo like let's say, P200,000 na, you want to withdraw na but you cannot, sasabihin nila kailangan i-upgrade mo, parang i-level up mo yung account mo para makaka-withdraw ka…so again, magdadagdag ka na naman ng pera. Kasi hindi mo pwedeng gamitin yung nasa loob. Ayan na naman. Of course hindi na naman siya totoo," kuwento ni Sabino.
Payo ni Sabino sa publiko, mag-invest lang sa mga virtual assets na aprubado ng pamahalaan.
"Para malaman natin ang ating virtual asset service provider natin, we have to visist the Bangko Sentral ng Pilipinas kasi doon makikita mo yung mga ibang virtual asset service providers na regulated ng BSP," saad ni Sabino
Sang-ayon kami sa tinuran ng PNP. Kailangan talagang mag-ingat ng lahat laban sa mga ganitong uri ng panloloko sa makabagong panahon.