Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Digital na

DT · Nov 28, 2022, 5:10 AM

Nitong nakaraan ay inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na gagawin na umanong downloadable ang ePhilID, o digital version ng national ID simula Disyembre ngayong taon.

Ayon sa PSA, ang downloadable version ay para lamang ito sa mga nagbigay ng kanilang cellphone number noong nagparehistro para sa national ID.

Ipadadala ng PSA ang isang one-time password sa cellphone number para ma-access ang downloadable digital version.

Target mailabas ang 20 milyong ePhilID sa mga susunod na buwan.

Kung matatandaan, nasa 72 milyong Pinoy na ang nakarehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) o national ID at ayon sa PSA, may 72,348,546 Pinoy na ang nakakumpleto sa step 2 ng kanilang national ID registration na kapapalooban ng biometric information tulad ng fingerprints, iris at front-facing photographs.

Dahil dito, sinabi ng PSA may 78.6 percent na ang natapos mula sa 92 million registration target para sa taong 2022.

"We would like to assure the public that we are on track in achieving our goal to provide immediate and improved access to financial and social protection services, especially to low-income individuals," sabi ni PSA Undersecretary Dennis Mapa sa isang naunang pahayag.

Isang magandang hakbang ang inihayag na ito ng PSA dahil talaga namang magiging kapaki-pakinabang sa sambayanan ang pagkakaroon ng national ID system lalo na para sa mga taong wala ni isang government-issued ID.

Sana lamang ay mapabilis pa ang pamamahagi nito.