Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Pati sibuyas, ‘di nakaligtas

DT · Nov 10, 2022, 5:00 AM

Sa kabila nang mga nararanasang hirap ngayon ng mga mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng mge presyo ng krudo at iba pang pangunahing bilihin, heto at sumasabay na rin sa pagtaas ang presyo ng sibuyas sa bansa.

Mula kasi sa dating P180 hanggang P190 kada kilo, pumapalo na ito ngayon sa P240 hanggang P260 kada kilo.

Kaya naman hirap na ang mga mayroong karinderya lalo sa Metro Manila dahil hindi na nila alam kung paano pa ang gagawin dahil halos lahat ng kanilang mga niluluto ay may kasamang sibuyas.

"Masyado na mahal mga bilihin lalo na rekado, pinakamahal ang sibuyas. Kaya binabawasan na namin sibuyas sa mga ulam namin dito. Halos lahat gumagamit sibuyas eh," saad ng isang may karinderya sa Quezon City.

At kahit pa naglagay ng suggested retail price ang Department of Agriculture sa sibuyas, na P170 kada kilo, hindi na ito nasusunod lalo't mas mataas dito ang kuha ng mga nagbebenta sa kanilang mga supplier.

Ayon sa Philippine Chamber for Agriculture and Food, normal namang tumaas ang presyo ng sibuyas habang patapos ang taon dahil inaani ang sibuyas mula Enero hanggang Abril at 6 buwan ang kadalasang itinatagal nito.

"Bandang this month, October paubos na yan. In that case, talagang mataas ang presyo. Year in, year out, mataas talaga presyo ngayon," sabi ng pinuno ng grupo na si Danilo Fausto.

Pero para sa kanila, hindi makatarungan ang mahigit P200 na kada kilo nito.

Sa taya ng PCAFI, hindi dapat lumagpas sa P100 kada kilo ang retail price ng sibuyas sa palengke lalo't hindi hamak na mababa ang kuha ng mga trader sa mga magsasaka nito.

"Hindi normal yan, sinasabayan na lang yan, nakikisabay na lang ibang traders diyan. Traders talaga take advantage of it, dahil everything is high, kaya sasabay sila," sabi ni Fausto.

Suhestiyon niya na dapat mas hipitan ang pagpapatupad sa SRP ng sibuyas.

Pabor kami sa panukalang mas higpitan pa ang pagpapatupad ng SRP ng sibuyas, dahil hindi na talaga biro ang hirap na nararanasan ng mga mamamayan dahil sa pagsirit ng mga presyo ng bilihin.

Sana lamang ay matugunan ito kaagad ng pamahalaan.