DYARYO TIRADA

Herlene Budol, tuloy ang laban

Joy Asagra

Matapos magka-aberya sa gagamiting national costume ng komedyana at beauty queen na si Herlene Budol sa Miss Planet International 2022, inihayag ng dalaga na tuloy pa rin ang laban dahil dumating na sa Uganda ang umano'y "Plan B" na gagamitin ng dalaga sa patimpalak.

Ibinahagi ng kanyang manager na si Wilbert Tolentino sa kanyang Facebook post litrato ng dalawang malaking box na laman ang costume ni Herlene at sinabing nasa Uganda na ang mga ito.

"Plan B for Herlene Hipon Budol National Costume just Arrived! Thank you lord (folded hands emoji) tuloy ang lavaaarn!! (face blowing a kiss emoji)" sabi ni Wilbert.

Nagdiwang naman ang fans sa good news na ibinahagi ng talent manager at narito ang ilang komento na aming nabasa.

Kung matatandaan, November 5 nang unang ibinalita ni Herlene ang pagkadismaya sa airlines na kanilang sinakyan papuntang Uganda.

Nakuwento niya na napilitan silang paghiwalayin ang kanyang national costume dahil hindi ito pinayagang ipakarga sa eroplano at hindi pa niya ito kumpletong nakuha.

"Pagdating ng Airport ayaw ipakarga kesyo over size daw, then No Choice narin kami at hinayaan nalang namin chinopchop nila at binaklas buong box. Ang masaklap 'yung pinaka body ng costume hindi nakarating ng UGANDA.

Buong araw na kami asa Airport at tinengga oras namin at pinangakuan kami na darating ng gabi pero 2:30am na at wala na silang paramdam," sabi ni Herlene sa kanyang naunang post.

Kasalukuyang nasa Uganda na si Herlene bilang representative ng Pilipinas para sa Miss Planet International pageant na gaganapin sa Nobyembre 19.