DYARYO TIRADA
Libreng sakay, ibalik
Nananawagan ngayon ang ilang mga mag-aaral at magulang na sana ay ibalik ng pamahalaan ang libreng sakay sa tren ng LRT-2 matapos nitong magtapos noong Sabado.
Ayon sa ilang mga mag-aaral, malaki ang pakinabang nila na wala silang binayarang pamasahe sa LRT-2 nitong nakaraang dalawang buwan at malaki umano ang kanilang natipid dahil dito.
Nauna nang sinabi ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na hindi kakayaning palawigin ang libreng sakay dahil kailangang maglaan ng pondo para palawakin, isaayos at ipa-upgrade ang linya ng tren.
Ayon sa LRTA, bibigyan naman ng 20-percent discount ang mga mag-aaral na may ipapakitang valid school ID simula Linggo, November 6.
Nitong nakaraan rin, nanawagan ang Kabataan partylist na palawakin ang tulong pinansyal para sa mga estudyante para maitawid nila ang gastos sa transportasyon.
"Nakakadismaya na ititigil ang libreng sakay para sa mga estudyante kung kailan babalik na sila sa mga paaralan, at habang dama rin ng mga estudyante ang bigat ng inflation at mga gastusin sa eskwelahan," saad ni Kabataan Representative Raoul Manuel.
Dapat din umanong isabatas na ang mga panukalang makagagaan sa bulsa ng publiko, gaya ng pagtanggal ng excise tax at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo at pagtaas ng minimum wage.
Simula nang magsimula ulit ang mga klase nitong Agosto, tanging LRT-2 ang nakapagpatupad ng libreng sakay para sa mga estudyante.
Ayon sa LRTA, mahigit 1.56 milyon ang naitalang gumamit ng libreng sakay para sa estudyante mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 3.
Umabot naman ng P30 milyong ang nawalang kita ng LRT-2 sa pagpapatupad nito.
Naunang inirekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pag-upo niya sa puwesto na mag-alok ng libreng sakay ang lahat ng linya ng tren.
Sana nga ay mapag-aralan ng pamahalaan kung paano pananatilihin ang libreng sakay para sa mga estudyante, dahil talagang malaking tulong ito para sa kanila.