DYARYO TIRADA
Lalong lumalalim
Mukhang lalong lumalalim ang kaso sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid ngayon hinuhukay na kung sino talaga ang mastermind sa nasabing pagpatay.
Nitong nakaraan, lumalabas sa autopsy ng namatay na itinuturong middleman na si Jun Villamor na asphyxiation ang ikinamatay nito, na lalong nagpalalim pa sa kaso dahil mukha umanong pinatahimik na ito bago pa man ito makapagsalita.
At nitong nakaraan lamang, naglabas ng isang sinumpaang salaysay ang isang bilanggo sa loob ng New Bilibid Prison kung saan idinetalye nito kung paano umano nila pinatay ng tatlo niyang kasama ang kapuwa nila bilanggo na si Villamor at ayon sa salaysay, nakiusap pa umano si Villamor na huwag siyang patayin.
Ang bilanggo ay kinilalang si alyas Jocon, na nagsumite ng kaniyang sinumpaang salaysay at inihayag niyang isang "mayor" o lider sa bilangguan na si alyas "May-may," ang nag-utos sa kanila na patayin si Villamor, na kilala rin bilang si Cristito Villamor Palaña.
Inamin ni Jocon na tatlo pang bilanggo ang kasama niya nang patayin nila si Villamor noong tanghali ng October 18, 2022, sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa ulo hanggang sa hindi na ito makahinga.
Sa naturang araw din iniharap ng pulisya sa mga mamamahayag ang sumukong gunman sa pagpatay kay Percy Lapid, o Percival Mabasa, na si Joel Escorial, na napag-alaman kababata ni Villamor sa Leyte.
Nang araw na iyon, inihayag ni Escorial na nanggaling sa Bilibid ang tumawag at kumontrata sa kaniya para patayin si Lapid.
Ayon kay Jocon, nang puntahan nila sa Villamor sa kubol nito sa kulungan, nakiusap ito na huwag siyang patayin.
"Huwag niyo naman akong patayin. Papatayin niyo na ba ako?," saad ni Jocon sa salaysay na naging pahayag umano ni Villamor sa kanila.
Sinabihan daw si Villamor ng isa niyang kasama na, "Kalma mo lang sarili mo kosa."
Si Jocon umano ang humawak mismo ng plastic bag na isinuklob sa ulo ni Villamor. Habang hinawakan naman ng tatlo niyang kasama ang mga kamay, braso at paa nito.
"Medyo matagal po kasi gumagalaw po ang ulo ni Jun. Hindi ko na alam kung gaano katagal dahil blangko na po ako at iniisip ko lang na sana matapos na agad," sabi ni Jocon.
"First time ko din po kasing sumupot ng tao," dagdag niya.
Sinabi ni Jocon na hindi siya maaaring tumanggi sa utos ni "May-may" dahil alam niyang papatayin din siya kapag hindi siya sumunod.
Nasaksihan raw niya kung paano pinatay ang ibang mga preso roon matapos nilang tanggihan ang utos ni "May-may" at iba pang mga tinatawag na "mayor."
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na hindi "natural cause" o sakit ang dahilan nang biglaang pagkamatay ni Villamor sa loob ng NBP.
Kailangan pa nang mas malalimang imbestigasyon kaugnay sa mga nangyayari ngayon sa kaso ni Mabasa, dahil magiging basehan ito kung gaano talaga kabilis o kabagal umusad ang hustisya sa bansa at kung wala nga itong kinikilingan.