Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Nanghalay ng walang malay

Cherk Balagtas · Nov 3, 2022, 6:15 AM

Isang apat na taong gulang na batang babae ang maagang namulat sa kamunduhan nang gahasain ng kanyang kapitbahay sa Brgy. Naruangan, Tuao, Cagayan, Martes.

Kinilala ng Aurora Police ang suspek na si Jacinto Abad, 48 anyos na binatang magsasaka ng Barangay Dagupan, Tuao.

Nagtungo ang biktima na itinago sa pangalang Nene kasama ang kanyang mga magulang sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kaukulang kaso ang suspek dahil sa naganap na panggagahasa dakong 3:30 ng hapon sa Barangay Naruangan.

Sa salaysay ng mga magulang ng biktima, hapon nung makiusap ang suspek na magpapahinga muna sa kanilang kubo kung saan naglalaro ang biktima kasama ang kanyang kapatid na lalaki.

Pagkalipas ng ilang sandali, nagtaka ang tatay ng biktima nung tumakbong palabas ang anak na lalaki kaya lumapit siya sa kubo at doon ay nakita niya sa akto habang hinahalay ng suspek ang kanyang anak.

Nang makita ng suspek ang ama ng biktima ay bigla itong kumaripas ng takbo palayo.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Project Covert Riders na nauwi sa agarang pagkakaaresto sa suspek na positibong kinilala ng biktima at kanyang mga magulang.

Inihahanda na ng Women and Children Protection Desk ang kasong Statutory Rape in relation to RA 7610, laban kay Abad.