DYARYO TIRADA

Allacapan LGU, nanawagan ng tulong

Sebastian Navarro

Nanghihingi na ng tulong ang local government ng Allacapan, Cagayan para umano maisagawa ang dredging sa ilog na malapit sa kanilang bayan para maiwasan na ang pagbaha dito.

Ayon kay Mayor Harry Florida, may naumpisahang proyekto noon ang National Irrigation Administration (NIA) para maiayos ang kondisyon ng Linao River sa Cagayan na hindi umano natuloy kaya nananawagan sila sa national government.

Kung matatandaan, isinailalim na ang bayan ng Allacapan sa state of calamity dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot ng tropical depression Maymay. Kuwento ng alkalde, ngayong Biyernes lang sumikat ang araw sa kanilang bayan, at unti-unti na ring humuhupa ang pagbaha.

Nanawagan si Florida kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagtuunan ang problema ng sektor ng agrikultura sa Allacapan.

"Panawagan ko po sa ating Pangulo, ang bayan po ng Allacapan ay isang agrikulturang bayan, kami po ang pumapangalawa dito sa lambak ng Cagayan when it comes to rice production. So, alam ko po, kayo po ang nakaupo bilang secretary ng Department of Agriculture ngayon…so panawagan ko po na sana mapansin niyo po itong bayan po na maayos naman yung 2 ilog para mas mabilis po ang daloy ng tubig pagka ganitong tag-ulan," sabi ng alkalde.

"At saka yung mga suporta din po sana sa ating mga magsasaka. Yung mapababa ang inputs… yung mga post-harvest facilities, palagi naming hinaing eh sana maibigay po sa ating mga magsasaka po," dagdag pa niya.

Diin ni Florida, mas kailangan nila ngayon ng mga pangmatagalang solusyon sa mga problema ng kanilang bayan.