LATEST

Ginang na nagpo-post ng pekeng kidnapping incidents, kalaboso

Cherk Balagtas

Dahil sa pagpo-post umano sa social media ng fake news tungkol sa mga kidnapping incidents ay kinasuhan ng mga awtoridad ang isang ginang sa Baguio City nitong Biyernes.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 154 o Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances ng Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek na kinilala ng pulisya na si Cherry Ann Matias Pineda.

Sa ulat ni Police Brigadier General at PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) director Joel Doria, naisampa na ang kaso laban kay Pineda sa Office of the Prosecutor sa Baguio City noong araw ding iyon.

Napagalamang nagkalat umano si Pineda ng fake news o maling impormasyon sa kanyang Facebook account hinggil sa kidnapping na nagaganap sa kanilang lungsod.

Base sa kanyang post ay galing umano sa pulisya at kanilang barangay ang impormasyon na kanyang nakalap, dahilan upang umani naman ito ng like and shares.

Agad namang bilang pinabulaanan ito ng nasabing barangay at mariin din itong itinaggi ng pulisya.

Nagsagawa ng pagsisiyasat ang PNP-ACG unit sa Cordillera Administrative Region sa pamumuno ni Police Lt. Col. Ma Theresa Guinto-Pucay at natunton si Pineda sa pamamagitan ng pagli-link sa kanyang talagang Facebook account at iba pa niyang account.

Nagbabala rin ang pulisya sa publiko na huwag basta- basta magpakalat ng fake news o magtahi ng mga lumang larawan at video ng mga pangyayari at ipapakalat sa social media para palabasin tumataas ang bilang kaso ng krimen sa bansa.

Kaugnay nito, lalo pang pinaigting ng PNP-ACG ang pagsasagawa ng cyber-patrolling at social media exploitation para subaybayan ang lahat ng videos at posts na kumakalat sa social media na may kinalaman sa mga fake news.