Mga residente ng Nabunturan, inilikas

Halos nasa mahigit na 700 ang evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa Barangay Mainit Gym, Nabunturan, Davao de Oro. Lumikas ang evacuees mula Brgy. Inupuan nang makaranas sila ng magkakasunod na lindol nitong Marso 7.

Ayon kay barangay captain Mark Anthony Chan, nadagdagan aniya ang tao sa evacuation center at umabot na sa mahigit 700 nang lumikas din ang mga natitirang residente sa bundok dahil sa takot sa landslide na bunsod naman ng mga pag-ulan na dala ng low pressure area noong Marso 13.

Makikita sa padalang mga larawan ni Bayan Patroller Jaybon Tano na natabunan ng gumuhong lupa ang ilang bahay sa parte ng barangay na apektado ng landslide.

Nagpadala rin ang patroller ng larawan ng sitwasyon ng mga lumikas.

Ayon naman kay Jennifer Echavez, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Nabunturan, patuloy ang assessment sa mga apektadong barangay.

Aniya, wala namang naitalang nasaktan at mas prayoridad nila ngayon kung paano nila itatawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng evacuees.

Dagdag niya, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa opisina ni Davao De Oro Governor Dorothy Gonzaga para tustusan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Noong Marso 13, isinailalim sa state of calamity ang Nabunturan sa bisa ng resolution ng Sangguniang Panlalawigan ng Davao de Oro.

Samantala, ayon naman sa Facebook post ng Nabunturan LGU, nananatiling nasa modular o blended learning method ang mga pampubliko at pribadong mga paaralan sa lugar.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial