Ang human trafficking ang isa sa mga kinakaharap na problema ng bansa ngayon, lalo na at maraming mga Pilipino ang naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa upang maiahon ang kanilang pamilya sa hirap.
Hindi rin maikakaila na talagang isa ito sa mga hindi pa rin masawata kahit anong programa pa ang gawin ng pamahalaan.
Pero nitong nakaraan, dalawang gobernador sa Thailang ang nangako kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes na tutulong sila sa mga Pilipinong biktima ng human trafficking.
Kamakailan, bumisita si Paredes kina Governor Wanchai Kongkasame ng Udon Thani at Governor Suwit Chanhaworn ng Nong Bua Lam Phu bilang bahagi ng opisyal na pagbisita sa northeastern region ng Isan.
Dagdag pa ng Department of Foreign Affairs o DFA, nakipagkita si Paredes sa Filipino community sa Udon Thani partikular sa Palarong Pinoy 2023 kung saan nagtipon-tipon ang mga kababayang naninirahan sa northeast ng Thailand.
Nakiisa rin si Paredes sa programa ng Embahada sa Thailand patungkol sa kampanya laban sa mga kaso ng trafficking in persons sa Mekong Region, at lumahok sa Consular Outreach Mission sa mga Pilipino sa Isan.
Pinasalamatan ni Paredes si Udon Thani Governor Wanchai Kongkasame at ang mga mamamayan ng probinsiya sa ngalan ng mahigit isang libong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Isan sa mabuting pakikitungo sa mga kababayan.
Ayon pa sa DFA, karamihan sa mga Pilipino sa nasabing probinsya ay nagtatrabaho bilang mga guro ng wikang Ingles sa mga pampublikong paaralan. Katibayan din ng matibay na people-to-people ties sa pagitan ng Pilipinas at Thailand ang 2022 Memorandum of Understanding sa pagitan ng Rajabhat University ng Udon Thani Thailand at Don Mariano Marcos Memorial State University ng La Union sa ‘Pinas.
Ipinahayag naman ni Nong Bua Lam Phu Governor Suwit Chanhaworn kay Paredes ang suporta ng kanyang probinsya sa mga kababayang nagtatrabaho at naninirahan doon at ipagbibigay alam sa Embahada ng Pilipinas kung sakaling masangkot ang sinumang kababayan sa anumang kaso ng trafficking in persons.
Ang mga ganitong klaseng tulong ay mahalaga para sa ating mga kababayan upang makaiwas maging biktima ng human trafficking.
Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/
Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial