Tuloy ang debate

Hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin kung kailangan nga bang dumaan pa sa Reserve Officers Training Corps ang mga kumukuha ng technical vocational o tech-voc courses.

Sa pagdinig kasi ng Senate subcommittee ukol sa “Revitalized Reserve Officers Training Act,” tinukoy kung sino ang mga isasailalim sa training at kung isasali rin ang mga kumukuha ng kurso na mas mababa sa 2 taon, at maging ang mga kumukuha ng tech-voc courses.

Para kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, hindi na dapat isali ang mga kumukuha ng tech-voc courses sa masasakupan ng mandatory ROTC.

“Kung gusto natin sila i-cover then pupwersahin natin ang TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) na [gumawa] ng program para ma-cater ‘yung ROTC requirements nitong mga less than 2 years na vocational students, added pressure on their part. Klaruhin na lang natin, pagdating sa technical-vocational courses students, ‘yung 2-year courses na lang i-require natin ng mandatory ROTC,” saad ni Dela Rosa.

Sinabi naman ng Department of National Defense (DND) na suportado nila ang panukala pero dapat punan ng pondo ang kanilang mga pangangailangan.

Dagdag pa rito, may critical requirements ang ROTC gaya ng manpower at logistics, ayon kay DND Undersecretary Franco Gacal.

“To run [the ROTC] program, the requirement is really enormous. Let’s say we have about 2,400 Higher Education Institutions (HEI) right now. Kung maglalagay ka ng 4 na tao kada HEI to run this mandatory ROTC program, immediately you need about 9,000 to 10,000 military personnel,” sabi ni Gacal.

“Hindi pa kasama rito ‘yung TESDA, hindi pa kasali dito ‘yung tinatawag na out of school youth. Ten thousand military personnel is about 3 infantry divisions that would cover Davao Region, Caraga Region and Northern Mindanao Region,” dagdag niya.

Ikinainis naman ni Dela Rosa ang naging tugon ni Gacal kaugnay sa mandatory ROTC.

“Alam mo ‘pag ganoon ang attitude ng [DND] eh ihinto na lang natin ito. Balik tayo sa NSTP! Pinag-uusapan natin sa ROTC, tapos kayo pala sa Defense ayaw niyo pala. Gusto niyo ibigay ang trabaho sa CHED, sa TESDA, eh ‘di ‘wag na! Tama na ‘to, Tama na usapan ‘pag ganun attitude ninyo,” saad ng senador.

“Ayaw niyo pala ikarga sa shoulders niyo ang trabaho ng ROTC, takot pala kayo sa gastos. Kayo sa department, ayaw pala ninyo, parang lukewarm kayo, balik tayo sa NSTP,” dagdag pa ng senador.

Sana lamang ay malinawan na talaga kung ano ang gagawin sa ROTC, dahil marami na ang nalilito kung dapat bang isailalim pa ang mga estudyante sa ROTC.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial