Air Force plane bumagsak; dalawa patay

Iniulat ng pulisya nitong Miyerkules na dalawang tao ang nasawi matapos bumagsak ang sinasakyan nilang military plane sa bukid sa Pilar, Bataan.

Bandang alas-10:40 ng umaga nang bumagsak sa palayan ang eroplano, ayon kay Staff Sgt. Edgardo de los Santos ng Pilar police.

“’Yong sakay po niya ay lifeless body na po ‘yong inabot namin dito noong pagpunta namin. Dalawa [ang sakay],” ani De los Santos sa panayam ng Teleradyo.

Hindi pa maibigay ni De los Santos ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Pero ayon sa hiwalay na panayam kay Philippine Air Force (PAF) spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, sakay ng eroplano ang dalawang piloto na nagsasagawa ng training flight.

Nawalan ng komunikasyon ang PAF sa mga piloto bandang alas-10:30 ng umaga, ani Castillo.

Lampas isang dekada nang nasa inventory ng PAF ang eroplano, ayon kay Castillo.

Ayon naman kay De los Santos, nawasak ang bumagsak na eroplano, na nagpagewang-gewang muna sa ere bago tuluyang bumagsak sa palayan.

Papunta na umano ang mga tauhan ng PAF sa Pilar para imbestigahan ang insidente.

Wala naman umanong ibang nadamay sa insidente, ayon sa pulisya.

Samantala, nawawala naman ang isang six-seater private plane sa Isabela simula pa nitong Martes ng hapon.

Lumipad umano ang naturang eroplano mula sa Cauayan Domestic Airport patungo sa bayan ng Maconacon bandang 2 p.m. pero hindi raw nakalapag sa Maconacon airport ang eroplano.

Ayon sa ulat, huling nakausap ang piloto ng eroplano sa bahagi ng bayan ng Naguilian bandang 2:16 p.m.

Agad na nagsagawa ng isang aerial inspection at search ang mga awtoridad para mahanap ang eroplano pero bigo silang makita ito.

Hindi pa maikot ng mga awtoridad ang paligid ng kabundukan ng Northern Sierra Madre para alamin ang kinaroroonan ng eroplano dahil sa masamang panahon.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial