Suspek, nadakip na!

Inihayag ng Department of Migrant Worker (DMW) na nadakip na umano ng pulisya sa Kuwait ang 17-anyos na suspek sa pagpatay at pagsunog sa 35-anyos na babaeng overseas Filipino worker.

Ayon kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople, nasa kustodiya na ng Kuwaiti police ang anak ng employer na siyang primary suspect sa pagpatay sa Pilipinang OFW na kinilalang si Jullebee Ranara.

Sabi ng kalihim, nalaman nila ang edad ng suspek mula sa isang ulat ng media habang hinihintay nila ang opisyal na ulat ng pulisya.

Natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto sa Kuwait nitong Linggo.

“According doon sa nanay, ang nirereklamo ni Jullebee ‘yung anak ng employer na lalaki. ‘Yun daw ‘yung malupit sa kaniya. In fact, may isang time daw na parang binantaan daw ‘yung buhay niya,” saad ni Ople.

Nang tanungin kung makakaapekto ang pagiging menor de edad ng suspek sa pananagutan nito sa krimen, sinabi ni Ople na pag-aaralan pa ito ng gobyerno.

“‘Yun ang aalamin natin. Anong batas ba ang iiral kapag minor,” saad ni Ople.

Dagdag pa ng kalihim, magbibigay din ang gobyerno ng death at burial assistance, mandatory insurance, at scholarship sa apat na anak ni Ranara.

Aniya pa, humiling ng privacy ang pamilya ng biktima.

“Ang request din ng pamilya, kung puwedeng may kaunting discretion. Sa kanila naman ayaw nila mag-grant ng interviews kasi gusto nila ng privacy habang nagdadalamhati sila,” saad ni Ople.

Sa kabila ng nangyaring karumal-dumal na krimen, sinabi ni Ople na hindi kailangang magpatupad ng deployment ban sa Kuwait.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial