Zeinab Harake, natupad ang wish

Natupad na pala ang wish ng social media influencer na si Zeinab Harake na makita nang personal ang kanyang idol na si Marian Rivera at ayon sa kanya, talagang dream come true para sa social media personality ang makasama at makachikahan ang Kapuso Primetime Queen sa kauna-unahang pagkakataon.

Na-meet din ni Zeinab ang mister ni Marian na si Dingdong Dantes kaya naman abot-langit ang kaligayahang naramdaman ng sikat na YouTuber.

Natupad ang matagal nang pangarap ni Zeinab sa naganap na grand opening ng Beautederm Building sa Angeles City, Pampanga na pag-aari ng dating radio DJ na isa nang matagumpay na entrepreneur ngayon na si Rhea Anicoche Tan.

Sina Marian at Dingdong ang nakatuwang ni Rei sa ribbon cutting ceremony para sa pormal na pagbubukas ng Beautederm Building kung saan maatatagpuan din ang kanyang Beautederm Beanery at A-List Avenue.

Isa si Zeinab sa mga brand ambassador ng nasabing kumpanya na naki-join sa naganap na grand launch kasabay ng pagdiriwang ng Chinese New Year.

Sa kanyang Instagram account, ipinost pa ni Zeinab ang litrato nila ni Marian na magkayakap at ang photo niya kasama ang Kapuso Primetime King & Queen.

“My forever lodi, my Marimar I love you so so much @marianrivera. Finally my dongyan heart,” ang caption ng vlogger sa kanyang IG post.

In fairness, ibinahagi rin ni Marian ang post ni Zeinab sa kanyang Instagram story na pinusuan at ni-like ng sandamakmak na netizens na natuwa rin sa pagkikita ng dalawa.

May mga nag-request pa nga na sana’y magkaroon ng collaboration ang dalawa sa YouTube.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial