Psychological debriefing

Matapos ang nakalulunos na balita na mayroong isang Grade 7 ang namatay dahil sa pananaksak ng kanyang kaklase sa Culiat High School, nagsagawa na ng psychological debriefing ang paaralan sa mga mag-aaral.

Ayon kay Department of Education-National Capital Region director Wilfredo Cabral, sinimulan na nila ang debriefing nitong Lunes matapos ang insidente.

“Ngayon pong umaga ay nag-umpisa na po ang ating paaralan sa pagbibigay ng psychological debriefing doon sa mismong eskwelahan,” saad ni Cabral.

“Sila ay nag-imbita din ng tao within the community para makapagbigay din dahil naniniwala tayo na mas higit na lalakas ‘to kung may involvement ang komunidad,” dagdag pa niya.

Kung matatandaan, sinaksak umano ng suspek ang biktima sa labas ng classroom nito sa Culiat High School bandang alas-5:30 ng madaling-araw habang naghihintay magsimula ang mga klase.

Ayon kay Cabral, patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente.

“Patuloy pa po tayo na nag-ga-gather ng evidences at ng mga information, at ang atin pong pinagbabasehan ay kung ano yung incident report na nag-submit sa atin ng paaralan sa pamamagitan ng division office,” sabi ni Cabral.

“Pero tingin ko pinakaimportante ay kung ano muna yung pwede natin gawin para sa mga bata, yung biktima at saka yung nambiktima, lalong higit yung nakasaksi dito,” dagdag niya.

Hindi maikakailang kailangan talaga ng mga ganitong klase ng aktibidad lalo na kapag ang mga kabataan ay nakasaksi ng violence, dahil siguradong magkakaroon ng trauma ang mga ito.

Sana lamang ay mabigyan rin ng hustisya ang pamilya ng biktima.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial