IMPORTED NA SIBUYAS, DUMATING SA BANSA

Inihayag ng Bureau of Plant Industry (BPI) nitong Lunes na dumating na umano sa bansa ang mga pula at puting sibuyas na inangkat mula China, na bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mapababa ang presyo ng nasabing gulay sa merkado.

Ayon kay BPI director Glenn Panganiban na dumalo sa National Seed Summit sa Quezon City, nasa 16 na container umano ng puting sibuyas at 32 container ng pulang sibuyas ang dumating sa bansa nitong nagdaang weekend.

Dagdag pa niya, dumadaan pa sa second border inspection ang nasabing inangkat na sibuyas kaya hindi pa ito nabebenta sa merkado.

Ipinaliwanag ni Panganiban na requirement umano ang second border inspection para ma-check na walang nahahalo sa sibuyas sa ibang agricultural product na dati nang nasabat ng Bureau of Customs.

Ngayong linggo umano inaasahang lalabas sa merkado ang nasabing imported na sibuyas, na ibebenta sa mas murang halaga o mababa sa P200 kada kilo.

Magugunitang nagpasya ang gobyerno na mag-angkat ng sibuyas matapos sumipa ang presyo nito sa merkado sa hanggang P600 kada kilo.

Pero nitong mga nagdaang araw, unti-unti nang bumaba ang presyo ng sibuyas sa ilang palengke dahil panahon na rin ng anihan ng mga lokal na magsasaka.

Ayon naman kay Senador Cynthia Villar, na dumalo rin sa summit, wrong timing ang pagdating ng mga inangkat na sibuyas dahil panahon na ng anihan.

Kaya muli ring iginiit ni Villar na naniniwala siyang minamanipula ng ilang smuggler at trader ang supply ng sibuyas.

Para kay Villar, dapat balikan ang usapin kaugnay sa large-scale agricultural smuggling at amyendahan ang batas para matugunan ito.

Sa ngayon, walang nakikita ang DA na shortage sa supply ng sibuyas.

“At this point in time wala tayong nakikitang shortage dahil sa harvest at coming imports,” saad ni Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial