Lucky charms sa Binondo, mabenta pa rin

Nagpapatuloy pa rin ang pagdagsa ng mga mamimili ng mga lucky charm sa Binondo district nitong Linggo kasabay sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Ayon sa feng shui expert na si Johnson Chua, ang Year of the Water Rabbit ay taon ng pagbangon kaya asahang mas kalmado ang 2023 kompara sa nakaraang taon.

“Expect natin ang better year, may recovery. ‘Pag sinabi kasi nating water rabbit, much gentle, much kind, compare[d to] last year na marami tayong pinagdaanan,” saad ni Chua.

Para sa mga nagtitipid at gusto pa ring suwertehin, puwede namgn magsagawa ng “cleansing” sa bahay sa pamamagitan umano ng pagbabawas ng gamit.

“Magsimula muna tayo mag-declutter, tanggalin ang mga sirang gamit,” dagdag niya.

Ayon pa kay Chua, huwag ding kalimutang magsuot ng pulang damit at maghanda ng malagkit na pagkain.

Samantala, kaliwa’t kanan pa rin ang dragon dancing sa buong Binondo, na Chinatown sa Maynila.

Nag-iikot at nagtatanghal ang mga dragon dancer sa mga negosyo at establisyimento kapalit ng pulang ampao na may lamang pera.

Nagsuot pa ng Darna costume ang ilang nakisaya sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa distrito.

Sa ulat ng Manila Police District, umabot sa 600,000 tao ang nakisaya sa Chinese New Year’s Eve sa Binondo.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial