Ibayong ingat pa rin

Hindi talaga maikakaila na talagang napakarami pa rin ang naglilipanang masasamang loob na nambibiktima ng mga inosenteng kababayan natin at halos ginagawa na ang lahat upang makapanlamang sa kapwa.

Nitong nakaraan ay naiulat na isang TNVS driver ang nanakawan ng cellphone matapos siyang umidlip sa loob ng kaniyang sasakyan sa Pasay City at ang mas masakit, ginamit pa umano ang kaniyang social media account para manghingi ng pera sa mga contacts niya.

Paliwanag ng driver, inantok siya kaya itinabi niya ang sasakyan at sandaling natulog.

“Nakita ko nga ‘yung emergency bay doon sa may Andrews Avenue, maliwanag, busy area pati, maraming dumadaan, kaya doon ako nag-decide na huminto,” sabi ng driver.

Ayon pa sa kanya, binuksan niya nang bahagya ang bintana sa driver’s side bago pumikit at habang natutulog, dalawang lalaki na ang umikot sa kaniyang sasakyan bago mag-3 a.m.

Dumikit ang mga suspek sa driver’s side at doon kinuha ang cellphone ng biktima.

Nakunan din sa CCTV ang dalawang suspek na naglalakad palayo matapos ang kanilang pagnanakaw at natukoy na ng mga awtoridad ang mga suspek, pero hindi pa nila ito nahahanap.

Nagkakahalaga ng higit P50,000 ang kaniyang cellphone, at nadismaya ang biktima dahil ito ang panghanapbuhay niya.

Ginamit pa ng mga suspek ang kaniyang social media account para manghingi ng pera sa kaniyang mga nasa friends list.

Payo ni Police Captain Michelle Sabino, spokesperson ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group, gumawa ng bagong social media account at mag-post ng disclaimer para hindi na makapanghingi ang mga suspek.

Kaya paalala rin sa ating mga kababayan, kailangan nang ibayong ingat dahil hindi talaga tumitigil ang mga masasamang loob na manlamang sa kapwa.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial