Mga PDLs, nakapagpa-rehistro na

Nasa higit 300 na persons deprived of liberty sa Manila City Jail ang nakapagparehistro bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections kasabay ng nagpapatuloy na voter registration ng Commission on Elections (Comelec).

Ito na ang ikalawang linggo ng voter registration sa Manila City Jail kung saan mga tauhan mismo ng Comelec ang nagdala ng kanilang mga gamit para mairehistro ang mga bilanggo.

Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology spokesman JCInsp. Jayrex Bustinera, binibigyang halaga ng kawanihan ang karapatan ng mga bilanggo na makaboto at marinig ang kanilang boses sa pagpili ng mga magiging lider ng bansa.

Dagdag niya, ngayong Enero 2023 ay mayroon nang 66,000 na bilanggo sa mga jail facility ng BJMP ang nakarehistro na sa Comelec.

Mayroong 127,000 na bilanggo sa mga pasilidad ng BJMP sa buong bansa na kung kakayanin ay mairehistro sana lahat, anang Comelec.

Bukod sa Manila City Jail, mayroon ding mga kasabay na voter registration ang Comelec sa iba pang jail facility ng BJMP sa iba’t ibang panig ng bansa, ani Bustinera.

Hinikayat muli ng BJMP ang lahat ng mga bilanggo na magparehistro at bumoto sa darating na halalan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial