Ilang lugar sa Oriental Mindoro, baha pa rin

Ilang lugar sa Oriental Mindoro ang nakakaranas pa rin ngayon ng baha dahil sa walang tigil na pag-ulan na nagsimula pa noong Disyembre at ayon kay Governor Humerlito Dolor, “above-knee level” ang taas ng baha sa ilang lugar umaga ng Sabado.

“As a matter of fact, sa mga oras na ‘to, 16 na barangay sa Naujan, tatlo sa Baco at dalawa sa Victoria ang ganun kataas ang baha,” saad ni Dolor sa isang panayam sa radyo.

Umabot na aniya sa P100 milyon ang pinsala sa agrikultura at lagpas P100 milyon na rin ang sa imprastruktura.

Naging “pabalik-balik” ang pagbaha sa maraming lugar sa lalawigan dahil bukod sa tuloy-tuloy na pag-ulan, may flooding projects ang hindi pa nagagawa.

Nawa-wash out aniya ang ginagawa nilang pansamantalang earth dike sa pagdating ng tubig, dahilan para tumaas ang baha.

Ayon kay Dolor, ang nakikita nilang pangmatagalan na solusyon ay ang ang pagsasagawa ng river restoration program sa walong major river systems sa lugar para pumunta ang tubig diretso sa dagat bukod pa sa pagtatayo ng gabion.

“Nagkaroon na po kasi ng mga isla ‘yung mga bunganga ng river. Kaya ‘yung tubig po, sa halip na diretso sa dagat, mabilis mag-subside hindi po nag-stock up at [kumakalat], nag-i-ispread sila sa mga palayan, sa mga bahayan,” sabi ni Dolor.

“Samantalang kung itong bunganga ng river ay mahuhukay na, ‘yung islands ay mawawala na. So ang water po, ang natural tendency, from upstream to downstream, diretso na po ng dagat,” dagdag niya.

Sinabi rin ng gobernador na inaasahan nilang mapabibilis ng Department of Public Works and Highways ang pag-apruba sa dredging clearance at dredging masterplan para mabawasan na ang nararanasang pagbaha sa kanilang lugar.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial