Dapat bantayan

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 13-anyos na lalaki na Grade 7 student sa isang eskuwelahan sa Quezon City makaraang pumanaw ito matapos umanong saksakin ng kanyang 15-anyos na kaklase sa Culiat, Quezon City nitong Biyernes.

Ayon sa mga nakalap na balita, sinaksak ng suspek ang biktima sa labas ng classroom nito sa Culiat High School bandang alas-5:30 ng madaling-araw habang naghihintay magsimula ang mga klase.

Sabi ni Police Capt. Anthony Dacquel, chief investigator ng Quezon City Police Station 14, napag-alamang P50 ang perang kinuha umano ng biktima sa babaeng kaibigan ng suspek.

“Lumalabas ay binigyan ng pera ang kaibigan na babae para may panggastos dahil magkakaibigan nga. Kaya lang, kinuha ng biktima natin kaya umabot sa ganun,” sabi ni Dacquel sa isang panayam sa radyo.

“‘Yong sumbong ng kaibigan nitong suspek natin, na diumano ay kinuhanan siya ng pera ng biktima na hindi binalik sa kaniya. Parating dito sa suspek natin, nagsabi siya na siya ang bahala, gaganti. Kaya nang magpasukan sa eskwela, inabangan niya doon sa classroom,” dagdag niya.

Ayon sa report, tinawag ng suspek ang biktima mula sa loob ng silid-aralan at sinaksak ng kutsilyo paglabas niya.

Tinamaan ang biktima malapit sa dibdib at dineklarang patay sa New Era General Hospital makalipas ang isang oras.

Natunton ng pulisya ang suspek sa bahay nito sa Salam Compound.

Nabawi rin ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.

Nasa kustodiya na ito ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City na itinuturing nang child in conflict with the law at nakatakda siyang sumailalim sa inquest proceedings para sa kasong murder.

Nagsagawa ng debriefing sa suspek ang punong-guro ng Culiat High School na si Louie Pebres.

“Noong kinakausap namin ang bata…, talagang parang wala po siya sa state of mind niya. Para bang hindi po niya maisip, mawari ‘yong kaniyang nagawa,” saad ni Pebres sa panayam sa telepono.

Ayon sa principal, bibigyan ang suspek ng pagkakataong ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng alternative learning mode.

Talagang nakakalungkot ang mga ganitong klase ng mga pangyayari, kaya naman ang payo natin sa ating mga magulang ay bantayan at pangaralang mabuti ang ating mga anak upang malayo sa kapahamakan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial