Panawagan ng tulong

Humihingi na ng tulong sa pamahalaan ang mga lokal na mag-aasin sa bansa na makasabay sa tumataas na demand dahil hindi maikakailang nahihirapan na sila sa pagbebenta ng asin mula nang maipatupad ang ASIN (An Act for Salt Iodization Nationwide) Law noong 1995.

Kasama kasi sa probisyon ng batas ang paghihigpit sa pagbebenta ng rock salt at naging mandato na iodized salt ang dapat gamitin sa pagluluto at pagpasok ng taong 2000, unti-unti nang naglaho ang mga irasan sa Las Piñas.

Ayon naman sa Philippine Association of Salt Industry, hindi na nakasabay ang lokal na produksiyon ng asin sa paglaki ng populasyon buhat nang magsara ang mga asinan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nasa 93 porsiyento ng asin noong 2021 ang inangkat pa mula Australia at China kahit napaliligiran ng dagat ang Pilipinas.

Halos 1 milyong tonelada ng asin ang demand sa bansa, pero 60,000 tonelada lang ang lokal na produksiyon at bukod sa kakulangan sa teknolohiya, may mga salt farm na tuluyang nagsara nang mahirapan sa pagproseso ng mga permit gaya ng environmental compliance certificate.

Ang mga prosesong ito sa gobyerno ang ilan sa mga sentimyento ng ilang mag-aasin sa Alaminos, Pangasinan.

Pero ayon sa Department of Science and Technology (DoST), naiintindihan umano nila ang ang mga hamong kinahaharap ng mga mag-aasin dahil sa salt iodizing machine pa lang kasi na kinakailangan sa pagtitimpla ng iodized salt, nasa P200,000 na agad ang kapital nito.

Para sa DoST, hindi dapat talikuran ang mandato sa iodization pero may mga paraan para mahikayat ang mga mag-aasin tulad ng pagbibigay ng insentibo at financial assistance.

Sana lamang ay matugunan ng pamahalaan ang hinaing ng ating mga mag-aasin dahil bukod sa kawalan ng kasiguruhan sa kanilang kita ay talagang iniinda rin nila ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial