DRAFT NG SINGLE-TICKETING SYSTEM, APRUBADO NA

An MMDA traffic enforcer along EDSA

Inaprubahan na ng technical working group ng Metro Manila Council (MMC) ang final draft ng resolusyon para sa single-ticketing system sa Metro Manila, ayon kay MMC president at San Juan Mayor Francis Zamora.

Ayon sa alkalde, nagkaroon na ng final technical working group meeting ang Metro Manila Council nitong Huwebes.

“Ibig sabihin yung mga traffic heads ng iba’t-ibang (local government units), ganoon din ang kanilang mga abogado at ako po ay nandoon kasama ng ating (Metropolitan Manila Development Authority) chairman na si Atty. Dom Artes,” saad ni Zamora.

“At tama ho kayo, unanimously approved yung final draft ng ating Metro Manila Traffic Code,” dagdag niya.

Ayon kay Zamora, ang susunod na hakbang ay ang pagtalakay at pag-apruba nito ng mga Metro Manila mayors.

“Ano ang next step? Ito po ay ating i-elevate na sa Metro Manila Council, so ibig sabihin papagbotohan na ng mga mayors ang pinal na draft nga ng Metro Manila Traffic Code,” saad ng MMC chair.

Dagdag pa niya, malaking bagay ang pahayag ng MMDA na tutulong sila sa integration ng mga datos ng Land Transportation Office (LTO) sa mga lokal na pamahalaan.

“Isa sa mga naging hadlang kasi dati, meron kasi tayong kinakailangang gawing integration. Ibig sabihin, yung mga LGUs, kinakailangan bumili ng mga computers, mga hardware upang magkaroon nga ng integration ang datos ng LTO at mga LGUs,” saad ni Zamora.

“Kahapon ho ay binanggit ng ating MMDA Chairman na sila na po ang magbabayad nito so wala nang cost para sa amin dito sa mga LGUs at ang MMDA na ho ang magbabayad,” dagdag niya.

Kapag naaprubahan na ng mga mayor ang Metro Manila Traffic Code, kailangang amyendahan ng mga LGU ang kani-kanilang mga ordinansa para sumang-ayon ito nasabing batas.

Ayon kay Zamora, target na maipatupad ang single ticketing system sa National Capital Region sa katapusan ng first quarter ng 2023.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial