Pulis, may lead sa pinaslang na babae sa Las Piñas

Image from soamaps.com

Inihayag ng Las Piñas City police station nitong Miyerkules na mayroon na umanong lead ang mga otoridad sa suspek sa pamamaslang sa isang babae na natagpuan sa loob ng abandonadong kotse sa Las Piñas City.

Ayon kay Gladys Biare ng Las Piñas City police station Intelligence section, may mga nakalap nang kuha ng CCTV ang pulisya pero tumanggi muna siyang magbigay ng detalye at dagdag niya, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, partikular ang backtracking sa mga rutang dinaanan o pinanggalingan ng babe bago siya natagpuan sa crime scene.

Kung matatandaan, natagpuan nitong Martes na may tama ng bala sa ulo ang biktima habang nakaupo sa loob ng sasakyan na iniwan sa bahagi ng C-5 Extension.

“We found out na ‘yung victim nasa loob habang naka-on pa ‘yung makina… Tiningnan ko agad ‘yung gasolina, halos wala nang laman so more or less matagal na doon naka-park. Nakita namin na may mga dugo siya sa ulo tsaka sa flooring,” saad ni Las Piñas City police chief Col. Jaime Santos.

Nakuha sa crime scene ang basyo ng bala, na ayon kay Santos ay posibleng galing sa 9-millimeter pistol, at ang slug o tingga sa flooring ng driver’s seat.

“Ni-reconstruct namin mismo ‘yung area at lumalabas na bumaba muna ‘yung driver bago siya binaril. Ang tama niya kasi sa ulo,” ayon kay Santos.
Ayon sa pulisya, ang 29-anyos na babaeng biktima ay isang skincare specialist na residente ng Tondo, Maynila.

Samantala, nakuhaan na ng pahayag ng Las Piñas police ang may-ari ng sasakyan kung saan natagpuan ang biktima.

Ayon sa pahayag ng may-ari ng sasakyan, Disyembre 26 pa nawawala ang kanyang TNVS na sasakyan dahil kinuha ito ng kanyang kapatid na lalaki.
Pinahiram niya sa kapatid ang sasakyan para magkaroon ito ng pangkabuhayan pero mula noon ay hindi na niya nakita ang sasakyan na pinamamasada ng kanyang kapatid.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial