Angeli Khang, may ibubuga

Aminado ang isang direktor na marami pang puwedeng ibuga ang Vivamax bombshell na si Angeli Khang pagdating sa acting na napatunayan na rin naman ng dalaga sa kanyang mga pelikulang Silip sa Apoy, Wag Mong Agawin ang Akin mini series, at Selina’s Gold.

Ayon kay 2022 Wallachia International Film Festival Best Director MacArthur Alejandre, imbes na magsawa ay nagdadala ng kakaibang excitement sa kanya ang pakikipag-trabaho sa magandang Half-Korean actress.

Ang kakaibang pagtatangi daw niya kay Angeli ay nagsimula nang iparamdam nito ang buong-pusong tiwala sa kanya sa una nilang collaboration, ang Silip sa Apoy.

“Pag nakakakita ka ng gem tapos pag nakikita mo na rough pa lang siya, nae-excite ka, di ba?,” pag-a-analogy pa ng batikang direktor.

“Tinitingnan mo, hinahawakan mo, iniisip mo kung paano siya mapo-polish. Tapos bawat step kung paano ka makakatulong para ma-polish ang gem na ito, it keeps you getting excited. Hanggang nakikita mo na meron pang pagkakataon para siya pagandahin. Kapag nag-aalaga ka ng halaman you always water it. Tapos pag-uwi mo ng bahay galing sa trabaho, tinitingnan mo kung namulaklak na ba? Etcera. Inalagaan mo. Ganoon,” sabi ng direktor.

“Tulad ng sinabi ko dati, Angeli will always have a special place in my heart because iyong ginawa niya sa Silip, I think, deserves na suklian ko iyong ganoong klaseng tiwala. Ang laki ng tiwala niya sa akin. Noong sinabi ko sa kanya na, ‘Hindi biro itong ginagawa natin sa Silip. Importante ito kasi maganda ang sinasabi ng pelikulang ito. Pinaniniwalaan ko ang sinasabi ng pelikulang ito…’ Tapos sumakay siya, e. Ang sabi niya sa akin, ‘Direk, gagawin ko ang lahat nang sabihin mong gagawin ko kahit nilalabag ko na ang sarili kong limitations kasi naniniwala ako sa sinasabi mo,’” dagdag niya.

Sa Bela Luna, kapwa raw sila na-excite ni National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee, na “pahirapan” si Angeli by giving her a dual role. Alam daw kasi nilang kaya na nito.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial