11 KATAO, NAWAWALA SA CATANDUANES

Image from en.wikipedia.org

Iniulat ng San Miguel Disaster Risk Reduction and Management Office sa probinsya ng Catanduanes na nasa 11 katao ang nawawla habang sampung barangay at tatlong sitio ang isolated sa bayan ng San Miguel dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Sinabi rin ng San Miguel DRRMO na nasa 25 na alagang kalabaw rin ang nalunod dahil sa baha.

Binaha umano na may kasamang putik ang ilang pangunahing kalsada sa lugar at hindi madaanan.

Samantala, inabot ng abot-dibdib na baha ang ilang barangay sa bayan ng Siruma, Camarines Sur kaya pahirapan ang paglikas ng mga residente.
Sa Naujan Oriental, Mindoro, walong barangay ang nalubog sa baha, kabilang ang Barangay San Andres Ilagan.

Ilang motorista roon ang hindi makadaan at naperwisyo, ayon pa sa ulat.

Sabi ng PAGASA, Amihan ang nagpaulan sa Oriental Mindoro.

Umabot naman sa P168 milyon ang pinsalang dulot ng pagbaha sa sektor ng agrikultura sa Northern Samar.

Ayon sa pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na si Rei Josiah Echano, malaki ang naging pinsala ng ulan at baha dulot ng low pressure area sa kanilang mga sakahan.

“Malaki-laki namang epekto nito sa rice, at mga crops ‘no: P139 million sa palay, sa crops naman P17M, sa coconut P938,000 mababa. Pati sa fishing at livestock namin apektado. Total po sa agriculture, P168 million. It’s almost one-third of the recorded amount nung NDRRMC,” aniya.

Maraming ring nasirang kalsada at highway ang baha sa kanilang lalawigan, ayon sa opisyal.

“Sa usapin ng infrastructure, 4 times na mas malaki yung datos namin kumpara sa national level na nakita ko kanina sa reports, na almost P550 million yung damage namin sa infrastructure dahil nga, nag-landslide yung mga daan,” sabi pa ni Echano.

Dagdag pa niya, may ilang bayan pa rin sa kanilang lubog sa baha dahil inulan pa rin ang mga ito nitong Martes.

“Pero hindi na katulad nung peak nung January 9 and 10, kung saan umabot ng to 4 meters. Ngayon siguro mga hanggang binti or street flooding na lang ‘no, mga less than 1 feet na lang po,” sabi niya.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial