Pinsala ng lindol sa Leyte, umabot sa P30 milyon

Inihayag ng Municipal Disaster Office ng bayan ng Leyte na umabot na sa tinatayang P30.3 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng magnitude 5.3 na lindol na yumanig sa bayan nitong nakaraan.

Ayon kay Municipal Disaster officer na si Rafael Lucban, maaari pang madagdagan ang halaga ng pinsala dahil patuloy ang assessment ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga nasira ang ilang gusali ng mga paaralan. May 2 school building ang Baco Elementary School na idineklara na ng municipal engineer na kailangan nang o-demolish dahil hindi na ligtas gamitin.

May ilang school buildings at classrooms din na hindi muna pinapagamit habang hindi pa naipapaayos.

Nakikipag-unayan na umano ang lokal na pamahaal sa Department of Education ukol dito.

Mula sa 8, umakyat naman sa 15 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa lindol.

Kung matatandaan, sinabi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Leyte na ang mga nasugatan ay nabagsakan ng mga natumbang debris dahil sa lindol na naitala pasado alas-8 Linggo ng gabi.

Sa isinagawang assessment ng MDRRMO, nakitang nagkaroon ng mahabang bitak ang kalsada sa bahagi ng Barangay Ugbon.

May bitak rin sa dingding ng barangay hall sa Barangay Consuegra.

Bumagsak naman ang ilang bahagi ng fiber cement board na kisame ng isang simbahan. Nasira rin ang isang poste nito. Pati imahe ng Sto. Niño, nahulog sa pagyanig.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial