Hanggang ngayon ay nagdurusa pa rin ang mga mamimili dahil sa mataas na presyo ng mga sibuyas sa mga palengke sa Metro Manila na lampas pa rin umano sa itinalagang suggested retail price (SRP) ng pamahalaan.
Sa Kamuning Market sa Quezon City, umaabot pa rin sa P620 ang kada kilo ng pulang sibuyas, lagpas sa P250 SRP na ipinataw ng Department of Agriculture (DA).
Base sa monitoring ng DA, may ilang palengke nang nakapagbaba ng presyo sa hanggang P400 kada kilo, pero aminado ang ahensya na hamon pa rin ang pangungumbinsi sa ibang magsasaka na ibaba ang farm gate price, na nakikitang dahilan sa pagtaas ng presyo sa retail.
“Ngayon po wala pa ring nakakasunod sa ating SRP na P250 per kilo. Although mayroon pong mga bumaba ng konti ng P400, ‘yong mga dating P720. Mayroong ibang mga magsasaka na nakakontrata na ang kanilang pananim,” saad ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista.
Para mapaigting ang pagpapatupad ng SRP sa mga palengke, sisimulan na ng DA ang pagbibigay ng letter of inquiry sa mga nagtitinda ng sibuyas sa presyong higit sa SRP.
Sa pamamagitan nito, tutukuyin ang supplier ng retailers para siyasatin kung magkano ang farm gate price.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan sa market inspectors para maidirekta sa mga palengke ang mga produkto mula sa mga magsasaka at maibenta ito sa mas mababang presyo.
Ilang mga mamimili ang bigo pa ring makahanap ng sibuyas na presyong P250 per kilo.
Pinag-aaralan naman ng DA ang iba pang paraan para madagdagan ang suplay ng sibuyas.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tumatayo ring kalihim ng DA, na balak niyang ipasok sa mga palengke ang mga nakumpiskang smuggled na sibuyas.
Ayon kay Evangelista, dadaan din sa Bureau of Customs ang proseso at kailangan isailalim sa phytosanitary inspection ang mga produkto bago makarating sa mga consumer.
Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/
Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial