PAGPAPATUPAD SA ANTI-DRUNK DRIVING LAW, HIHIGPITAN

(Photo by Analy Labor)
(Photo by Analy Labor)

Inihayag ng Land Transportation Office na mahigpit nitong ipatutupad ang mga batas-trapiko ngayong holiday season kabilang na ang Anti-Drunk and Drugged Driving Law o RA 10586 ngayong nalalapit na ang holiday season.

Ayon kay LTO Assistant Secretary Jose Arthur Tugade, ipinagbabawal ang pagmamaneho nang lasing dahil maaari itong maging sanhi ng aksidente kaya naman magdedeploy ang naturang ahensiya ng traffic enforcers para magbantay sa mga motorista na posibleng lalabag dito.

Dagdag niya, ire-recalibrate na rin umano ang mga breath analyzer para magamit ng enforcers ngayong holiday season sa mga checkpoint.

"Nagde-deploy tayo ng enforcers natin lalo na sa mga lugar na may tendency po ang mga tao na uminom," sabi ni Tugade. "We will be strictly enforcing the Anti-Drunk Driving Law. Sa mga may balak uminom, magdala na lang kayo ng driver para hindi kayo ma-perhuwisyo sa daan."

Samantala, nasa 92,000 na lisensiya ang backlog ng LTO na hanggang ngayo'y hindi pa nare-release, base sa huling tala ng ahensiya noong Nobyembre at isa umano sa mga nakikitang sanhi ng backlog ay ang mga sirang laser engraver na ginagamit sa pag-imprenta ng mga lisensiya.

"Nais naming iparating sa tao na 'yong mga opisina na defective ang engravers… huwag na po kayong pumunta sa mga opisinang 'yon. Pumunta kayo sa mga may gumana para hindi masayang ang oras at araw niyo," saad ni Tugade.

Sa ngayon, hanggang repairs lang muna ang kayang gawin ng LTO sa mga depektibong engraver dahil wala pang pondo ang ahenisya para makabili ng bagong units.

Ayon kay Tugade, aabot din sa P2 milyon ang halaga ng bawat makina.

"I commit to deliver those licenses pero kailangan ko rin ng pondo para ma-repair ang engravers natin," sabi pa ni Tugade.

Kumukuha na ng piyesa ang supplier ng engraver para makumpuni ang mga makina.

Pero ayon sa LTO, tatagal pa nang ilang buwan ang pagkukumpuni kaya mabuting alamin muna ang mga tanggapang hindi makapagbibigay ng lisensiya, na makikita anila sa kanilang Facebook page.

Related Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph