TATLO, PATAY!

Inihayag ng Office of Civil Defense na pumalo na sa tatlo ang namatay sa pagbaha sa Davao del Sur noong Huwebes at ang pinakahuling natuklasan ang bangkay ng isang babae Biyernes ng tanghali sa ilog sa Barangay Rizal, bayan ng Bansalan.

Ayon sa Bansalan Municipal Police Station, napansin ng isang lalaking estudyante ang masangsang na amoy habang dumadaan sa gilid ng ilog at hinanap nito kung saan galing ang amoy hanggang sa nakita nito ang bangkay ng babae na nakasuot ng damit na kulay berde.

Lumalabas sa imbestigasyon na tinangay ito ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa kasagsagan ng baha noong Huwebes. Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima.

Nitong nakaraang Huwebes naman, nasawi naman ang isang Evelyn Matango matapos gumuho ang lupa sa kubo nito sa Barangay Ibo sa Malalag, Davao del Sur.

Nasawi rin ang isang Alex Buela matapos tangayin ng baha habang natutulog sa Barangay Bolton sa Malalag.

Batay sa pagsusuri ng OCD Region 11, nasa mahigit 6,000 pamilya ang apektado ng baha sa tatlong munisipalidad sa Davao del Sur.

Umabot naman sa 629 na pamilya ang lumikas sa evacuation center.

Ilang pamilya rin ang apektado ng baha at landslide sa karatig lalawigan na Davao Occidental.

Isinailalim na sa state of calamity ang Malalag, Davao del Sur at Sta. Maria sa Davao Occidental.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial