May mabait pa rin

Sa dinami-dami ng problema ng bansa, isa ang kahirapan o poverty sa mga hindi pa rin nasosolusyunan ng pamahalaan.

Kadalasan, ang kahirapan ang nagtutulak sa ilan nating mga kababayan na kumapit sa patalim at gumawa ng krimen gaya nang pagnanakaw at pangho-holdap upang mayroon lamang maipakain sa kanilang mga pamilya.

May ilang nagsasabi na hindi dapat gawing dahilan ang kahirapan sa paggawa ng krimen dahil marami namang puwedeng gawin upang kumita ng pera, pero siyempre, hindi pa rin maiiwasan na may ilan pa rin tayong mga kababayan na talagang nawawalan na ng pag-asang makaahon sa hirap.

Pero bagama’t may mga bumabaling sa krimen upang kahit paano ay maibsan ang hirap na dinaranas, mayroon pa ring mga mababait na Pinoy na hindi nagpapadala sa tukso at hindi nagpapasilaw sa pera.

Gaya ng isang 19-anyos na binatilyo sa Subic, Zambales na viral ngayon sa social media dahil sa kabutihang ginawa niya sa kanyang kapwa.

Ibinalik kasi ng binata – na kinilalang si Arjay Piletina – ang isang bag na may lamang P70,000 sa Subic.

Ayon sa binata, papunta sila ng kapatid at pamangkin sa ospital nitong Linggo nang may makita siyang bag sa highway.

“Binalikan ko po kasi nakita ko po doon na nakaano lang doon sa may highway,” saaad ni Piletina.

Dinala ni Piletina ang bag sa mga pulis, kung saan nakita nilang may ID sa loob ng bag.

Wala pang isang araw ay natunton na nila ang may-ari nito.

Ayon kay Piletina, binigyan siya nang kaunting pabuya ng may-ari ng bag.

Nang tanungin kung bakit hindi niya naisip na kuhanin ang pera, sagot ng teenager, “Una sa lahat po hindi ko po pinaghirapan yun at hindi po amin yun. Turo po ng magulang namin eh, kung hindi amin isauli namin kung sinong tunay na may-ari.”

Masaya ngayon si Piletina na ipinagmamalaki siya ng kaniyang mga magulang.

“Proud na proud po siyempre kasi meron silang anak na may mabuting puso para sa kapwa,” sabi ng binata.

Nagtatrabaho bilang tindero ang mga magulang ni Piletina. Naumpisahan niya ang Food and Beverage Service course na alok ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, pero hindi niya ito natapos dahil sa kahirapan sa buhay.

Ang kabutihang ito na ginawa ng binata ang dapat gawing ehemplo ng bawat isa sa atin at pinatunayan nito na talagang mayroon pa ring mga may mabubuting puso na naglilipana.

Tandaan, honesty is still the best policy.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial