Maagang Pamasko

Tiyak na labis ang magiging kagalakan ng mga regular na kawani ng pamahalaan dahil ngayong araw sisimulan ang pamimigay ng kanilang year-end bonus, ayon Civil Service Commission (CSC).

Sa ngayon ay tinatayang nasa 1.7 milyon ang regular na kawani ng pamahalaan.

Ang year-end bonus, ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, ay katumbas ng isang buwang sahod at ito ang matatanggap na bonus ng mga regular na kawani o may plantilla position.

Bukod pa ito sa “cash gift” na maaaring ibigay ng punong ehekutibo.

“Depende na rin ‘yan sa executive kung meron pa silang gustong ibigay, but this is really their prerogative in consultation with the Department of Budget and Management,” sabi ni Lizada.

Pero paglilinaw ng CSC official, hindi kasama sa mga makatatanggap ng bonus ang nasa 600,000 na kawani na “job order” at contract of service dahil hindi sila kinikilalang “regular workers.”

Tinatayang nasa 400,000 ang job order at COS employees na nasa ilalim ng local government units at nasa 200,000 naman ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

“This does not preclude the executive from coming up with a package, depende po in consultation with DBM,” sabi ni Lizada.

Isang napakagandang balita ito para sa mga regular employees ng pamahalaan, dahil siguradong malaki ang maitutulong nito lalo na ngayon na nagtataasan na naman ang presyo ng mga bilihin at maging ng krudo.

Sana lamang ay mayroon ding ganitong programa para naman sa mga hindi pa regular o mga job order na empleyado, para naman maramdaman rin nila na kahit paano ay iniisip pa rin ng pamahalaan ang kanilang kalagayan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial