TRASLACION, SUSPENDIDO ULI!

Inihayag ng pamunuan ng Quiapo Church nitong Huwebes na wala pa rin umanong isasagawang prusisyon o Traslacion sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno sa darating na Enero 9.

Sinabi ng pamunuan ng simbahan na bago sila nag-anunsyo ng suspensyon ay dumaan sa maraming konsultasyon at masusing pag-aaral ang kanilang naging desisyon.

“Unang-una sa konsiderasyon natin tayo pa rin ay nasa ilalim ng pandemya at at risk pa tin ang ating kapatid na may edad na at may mga immunocompromised,” saad Rev. Fr. Earl Valdez, attached priest ng Minor Basilica of the Black Nazarene.

Wala man ang tradisyunal na prusisyon, tuloy naman ang ibang aktibidad tulad ng oras-oras na misa sa simbahan ng Quiapo at sa halip na pahalik, pagbibigay-pugay sa imahen ang gagawin simula Enero 7.

“Sa Quirino Grandstand po ay naroron ang pagbibigay-pugay, naroroon pa rin ang panggabing programa at higit sa lahat naroroon ang misa ng kapistahan o tinatawag nating Misa Mayor sa ganap na alas-dose ng hatinggabi sa ika-9 ng Enero na pamumunuan ng ating mahal na cardinal, Jose Cardinal Advincula,” sabi ni Valdez.

“Yung pagbibigay-pugay ay maaari nating lapitan at hawakan ang imahen, nakapila ang bawat deboto may entry at exit points po tayo na defined at inoobserbahan po natin ang minimum na physical distacing requirements sa paggalaw ng pila pero bago pumasok sa lugar ng pagpupugay magsasanitize po ang mga kamay ng deboto at regularly isasanitize yung lugar kung nasaan ang imahen,” dagdag pa niya.

“Simula sa araw ng lingo, ika-8 ng Enero ay sisimulan na natin ang misa sa pagdiriwang ng fiesta. Magkakaroon po tayo ng mahigit-kumulang na 34 na oras-oras na pagmimisa,” sabi pa ng pari.

Sa mga susunod na linggo maglalabas ng mas detalyadong schedule ang Quiapo Church hingil sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno.

Pero wala mang prusisyon, naghahanda na rin ang Manila Police District sa ilalatag nilang seguridad.

“Baka po higpitan pa natin lalo kasi voluntary na yung pagsuot ng face mask,” sabi ni Capt. Rowell Robles, hepe ng istasyon ng pulis sa may Plaza Miranda.

“Yung mga bawal po pagbabawalan talaga natin sa contingency, kasi may mga pila dyan so yung mga bawal ipasok, bawal pa rin ipasok, yung mga bawal pilahan bawal pa rin po yun, kung san pwede pumasok doon lang po, kung saan pwede lumabas doon lang po. Tapos bawat kanto lalagyan natin ng kapulisan,” dagdag pa ng opisyal.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial