LIMANG RESCUER, PATAY!

Courtesy of PIA BULACAN

Limang rescuer mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang naiulat na namatay habang nagsasagawa ng rescue operations sa Sitio Galas, Barangay Kamias sa bayan ng San Miguel sa Bulacan matapos madagagan ng isang gumuhong pader.

Ang mga rescuer ay nag-augment o tumulong sa rescue operations kasunod ng pananalasa ng bagyong Karding.

“Meron tayong casualty na lima. Lima po, ating PDRRMO (Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office) galing probinsya, mga nag-rescue. Sila po ang namatay dahil tumama po doon sa pader,” sabi ni San Miguel Mayor Roderick Tiongson sa isang public briefing.

Kinilala ang mga nasawing rescuers na sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agusin.

Ayon sa mga paunang ulat, apat mula sa limang PDRRMO ang narecover agad ng mga kinauukulan habang ang isa ay naiulat pang nawawala noong una.

“Actually, lima ‘yan. Apat na ngayon ang confirmed dead. Mga ano natin ‘yun, team natin sa PDRRMO. Mga empleyado po natin ‘yun,” saad ni Bulacan Governor Daniel Fernando.

Sinabi ni Fernando na gumamit ng bangka ang mga rescuers nang hindi makaraan ang kanilang trak sa pagsasagawa ng kanilang rescue operations nang biglang nagkaroon ng flash flood na naging sanhi ng pagguho ng isang pader na tumama sa kanila at kanilang ikinasawi.

Nagbigay na umano ng tulong pinansyal ang provincial government ng Bulacan sa pamilya ng mga nasawing rescuers.

Kuwento naman ng isang kagawad sa Barangay Sta. Rita, umabot ng dibdib ang baha sa ilang bahagi ng kanilang bayan.

“Ngayon lang po bumaha ng ganito sa aming barangay…Kailangan pa rin po pa rin ng mga rescuer pa rin dito sa bayan namin kasi napakarami po halos na, halos po buong bayan ng San Miguel eh talagang binaha eh kulang po ng mga rescuer po dito sa aming bayan,” sabi ng kagawad.

“Sa ibang barangay po, dito po sa barangay namin, may nailikas na po yung ibang malalalim na lugar. Sa ibang barangay po talagang marami pong nagpo-post po sa social media na nanghihingi po ng tulong,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nasa 643 indibiduwal o 164 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Karding sa 28 barangays sa Cagayan, Mimaropa, Bicol, Western Visayas at Cordillera.

Sa isang panayam sa TeleRadyo, una nang nanawagan ng mga rescuer ang bayan ng San Miguel.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial