Baguhin ang sistema

Hindi maikakailang malayo at milya-milya ang agwat ng mayayaman at mga mahihirap na mamamayan dito sa ating bansa, at klarong-klaro rin ang linya kung saan naghahati ang mga mamamayan dito sa Pilipinas.

Pero pagdating sa buwis, halos nagpapantay lamang sa pagbabayad ang lahat, maliban na lamang sa iilan na talaga namang ginagawa ang lahat upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis na dapat bayaran.

Siyempre, kitang-kita ang kaibahan ng binabayarang buwis ng mga mahihirap at middle class kumpara sa mga mayayaman at talaga namang napapansin na parang mayroong mali sa sistema.

Kaya naman, nitong nakaraan ay sumugod ang mga militanteng grupo sa tanggapan ng Department of Finance sa Maynila para ipanawagan na baguhin ang sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Iginiit ng mga grupo na dapat ang mga mayayaman o mga milyonaryo at bilyonaryo umano ang buwisan sa halip na mga mahihirap lalo na ngayong sobrang taas na ng mga presyo ng bilihin at ng krudo.

Ayon pa sa kanila, wala nang umanong pera ang mga mamamayan at talaga namang labis na ang paghihirap na nararanasan dahil sa sitwasyon kaya hirit nila, sa halip na buwisan ang mahihirap sa pamamagitan ng value added tax, dapat na umanong magpatupad ng wealth tax.

“Ang pera nasa kamay ng mga bilyonaryo ng mga malalaking negosyante kaya dapat sila naman ang tawagan para magbayad ng buwis. Ipatupad ‘yung panawagan naming wealth tax ‘yun ang paraan para magkaroon ng pondo ang gobyerno para gastusin sa pangangailangan niya sa pagpapatakbo ng ating pamahalaan,” sabi ni Leody de Guzman, ang chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

Sa kalagitnaan ng pagsasagawa ng kilos protesta, may ilang opisyal ng DOF ang lumabas at pinaunlakan ng dayalogo si De Guzman at pinapasok sa tanggapan at tumagal lamang ng mahigit 40 minuto ang kanilang dayalogo sa loob ng DOF.

“Sabi ni Didith Tan ay pinag-uusapan nila ‘yung tungkol sa ating mga proposal magandang balita ‘yun na pinag-uusapan nila pero sana huwag lang pag-usapan sana magkaroon pa ng panibagong pagkaklaro para ipatupad ‘yung ating kahilingan,” sabi ni De Guzman.

“’Yung ating kahilingan ay naaayon sa konstitusyon kaya doon nai-deliver namin ‘yung aming kahilingan na dapat ang ita-tax ‘yung mayayaman sa anyo ng wealth tax at alisin ‘yung VAT,” dagdag niya.

Sa tingin namin ay panahon na upang baguhin na ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, dahil talaga namang napakalaki ng epekto nito lalo na dun sa maliliit lamang ang kinikita sa araw-araw.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial