Malaking pangangailangan

By TDT

September 19, 2022

Ngayong nagbalik na ang face-to-face classes sa ilang mga paaralan sa National Capital Region at iba pang mga lugar sa bansa, marami sa mga mag-aaral ang excited nang pumasok upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Halos dalawang taon rin ang dumaan na nag-aral ang mga estudyante sa kani-kanilang mga bahay at talaga namang natengga ang mga ito na walang ibang makausap ng personal kundi ang kanilang mga kasama sa bahay.

Kaya ngayong may in-person classes na, sinunggaban na ng mga mag-aaral ang pagkakataon na muling makabalik sa mga paaralan.

Pero siyempre, bukod sa banta ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic at ang patuloy na pagtaas ng pamasahe at mga bilihin, marami ring hinaharap na problema ang mga mag-aaral ngayong face-to-face classes na naman.

Ayon sa isang consumer group na Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan o SUKI, kailangan umano ng isang college student sa Metro Manila ng P9,900 upang makapamuhay nang disente sa loob ng isang buwan.

Sinabi ni SUKI convener Louie Montemar na ang pamantayan ay para sa mag-aaral mula sa mga state university o pampublikong kolehiyo at kabilang na rito ang budget ang transportasyon, pagkain at upa sa tirahan.

“Sa pag-eestima ng aking mga estudyante, kailangan na nila ng P9,900 mula P7,000 bago ang pandemya,” sabi ni Montemar.

Dagdag niya, maging mga mag-aaral ay apektado sa inflation o pagmahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

“So, malinaw po na kahit sa buhay ng mga estudyante, kitang kita po ang kahirapan,” sabi ni Montemar.

Nitong Agosto ay naitala ang 6.3 percent na inflation rate sa bansa, na bahagyang mas mababa kumpara sa 6.4 percent noong Hulyo.

Sana lamang ay magkaroon ng solidong programa ang pamahalaan – partikular na ang Department of Education – kung paano maiibsan ang problema ng mga mag-aaral.

Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagkakaroon ng kalidad na edukasyon na magiging malaking tulong para sa mga kabataan sa ating bansa.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial