NCAP suspension, susundin

September 1, 2022

Siniguro ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng ilang mga local government units (LGU) sa Metro Manila na susundin nila ang kautusan ng Supreme Court (SC) na pansamantalang ipatigil ang implementasyon ng no-contact apprehension policy (NCAP).

Nitong Martes, naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa polisiya, na inireklamo ng ilang transport group at ayon sa MMDA, simula alas-5:30 ng hapon noong Martes ay sinuspende na nila ang pagpapatupad sa NCAP.

“Hihingi po tayo ng legal advice natin sa Solicitor General tungkol sa usapin na ito. Pero tulad ng sabi ko, nirerespeto natin ang TRO ng SC at susundin natin to,” sabi ni MMDA directior Crisanto Saruca.

Pero sa kabila ng suspensiyon, abala pa rin ngayong Miyerkoles sa MMDA Metrobase ang mga tauhan ng ahensiya sa pagmo-monitor ng mga CCTV camera na kalat sa mga pangunahing lansangan.

Inililista rin muna nila ang traffic violation kahit na hindi muna papadalhan ng traffic violation ticket ang mga motorista.

Sa datos ng MMDA, mula Enero hanggang Agosto, aabot na sa higit 100,000 ang kanilang huli sa pamamagitan ng NCAP.

Plano umano ng MMDA na i-adjust ang deployment ng mga tauhan para mapunan ang mga lugar na hindi mababantayan ng NCAP.

“’Yong traffic enforcers natin, patuloy na manghuhuli through physical apprehension,” sabi ni Saruca.

“Maga-adjust po tayo ng deployment ng ating mga traffic enforcers para ma-cover ang traffic management na affected ng suspension ng NCAP,” dagdag niya.

Pareho rin ang gagawin ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Bagaman malaki ang naitulong ng NCAP sa LGU sa pagsasaayos ng trapiko, susunod sila sa utos ng korte, ani Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna.

Tuloy rin ang pisikal na panghuhuli sa Quezon City.

Susundin ng LGU ang TRO pero susubukan ding umapela, sabi ni Orlando Casimiro, legal officer ng Quezon City.

Inihayag din ng LGU ng Valenzuela na nirerespeto nito ang pasya ng Korte Suprema at nagpakalat na ito ng dagdag na enforcer.

Maliban sa tatlong nabanggit na lugar, suspendido rin ang pagpapatupad ng NCAP sa Muntinlupa at Parañaque.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial