Ayusin ang gusot

By TDT

August 18, 2022

Hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa rin kung ano ang dapat gawin sa “No Contact Apprehension Policy” (NCAP) na sa ngayon ay nakabinbin pa rin dahil sa mga reklamo ng ilang mga motorista kaugnay sa pagpapatupad nito.

At ngayon nga, nakarating na umano sa Korte Suprema ang usapin matapos magpetisyon ang ilang transport group at hilingin sa mga mahistrado na ipatigil ang pagpapatupad ng programa.

Ayon sa mga ulat, inatasan na ng Supreme Court (SC) ang Land Transportation Office (LTO) at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na nagpapatupad ng NCAP na sumagot at magkomento sa petisyon.

Kabilang sa mga local government units (LGU) na nagpapatupad ng NCAP at pinagkokomento ng SC ay ang Maynila, Quezon City, Parañaque City, Valenzuela City at Muntinlupa City.

Sa ilalim ng NCAP, huhulihin ang mga motoristang lumalabag sa batas trapiko gamit lang ang camera, pero giit ng ilang mga grupo, bukod sa hindi naapela ang sinasabing nagawang paglabag ay mahal din umano ang multa.

Kung matatandaan, ipinaliwanag ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, na hindi sila kasama sa pagpapatupad ng programa at nakiusap siya sa mga LGU suspendihin muna ang implementasyon ng NCAP upang mapag-aralan at marepaso ang ilang patakaran sa programa.

Kamakailan lang rin, hiniling din ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sa Kamara de Representantes, na imbestigahan ang mga reklamo ng ilang tsuper at mga motorista laban sa NCAP.
Nais ng kongresista na alamin kung naayon sa batas ang NCAP na ipinatupad ng LGU at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Bagaman maganda umano ang layunin ng NCAP para madisiplina ang mga motorista at mga tsuper, sinabi ni Barbers na kailangan matiyak na hindi magagamit o maabuso ang programa.

Kailangang magkaroon na ng resolusyon ang gusot na ito dahil apektado na ang mga motorista dahil kung iisiping mabuti, makakadagdag lamang ito sa mga papasanin nilang problema bukod pa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial