Bigyan ng pansin

By TDT

August 10, 2022

Ang isa sa pinakamalaking problema sa Metro Manila na hanggang ngayon ay parang hindi pa rin nahahapan ng solusyon ay ang pagbaha sa ilang mga kalsada sa Kamaynilaan sa tuwing bubuhos ang malakas na ulan.

Ilang dekada na ring hinaharap ang problemang ito na talaga namang perwisyo ang dulot sa tuwing mayroong bagyo o kahit habagat na lamang.

Madalas ay halos aabot sa bewang ang baha at kung mamalasin pa ay talagang papasukin na rin ang mga kabahayan lalo na doon sa mga nasa tabi ng ilog at mga creek.

Nitong mga nakaraang araw ay naranasang muli ng mga residente sa Maynila ang problemang ito dahil sa maghapong pagbuhos ng ulan.

Kaya naman nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para masolusyonan ang madalas na pagbaha tuwing umuulan sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod.

Nitong Biyernes kasi, talagang binaha na naman ang ilang mga kalye sa kahabaan ng Taft Avenue matapos makaranas ng malakas na pag-ulan.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, inaalam na nila ang sitwasyon sa madalas na pagbaha sa mga pangunahing kalsada sa lungsod.

“Nakikipag-ugnayan nga po kami sa national government particularly DPWH para malaman po namin kung ano ang situation d’yan sa biglaang pagkakaroon ng baha sa lungsod ng Maynila, particularly po dyan sa Roxas Blvd., Quirino at Taft,” saad ni Lacuna.

Ayon pa sa alkalde, habang patuloy pa ang pakikipag-ugnayan nila sa DPWH ay pansamantalang naglatag sila ng mga hakbang para matulungan ang mga maaapektuhan ng baha, lalo na ang mga commuter.

“Automatic na po kapag malakas ang ulan, ang ating kapulisan, ang (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office) and (Manila Traffic and Parking Bureau) ay nagbibigay ng libreng sakay,” sabi niya.

“Of course, continuous pa rin ang declogging namin sa buong Kamaynilaan, pagtatanggal ng dumi, at kalat at basura para mas madali kung magkakaroon man ng baha, mas madaling humupa,” dagdga niya.

Sana naman ay mabigyang-pansin ang problemang ito, dahil matagal-tagal na rin tayong nagtitiis sa tuwing mayroong baha sa mga pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial