STATE OF CALAMITY, IDINEKLARA

Matapos masalanta ng magnitude 7 na lindol noong nakaraang linggo, nagdeklara na rin ng state of calamity ang bayan ng Bauko sa Mountain Province dahil umano sa malaking pinsalang natamo ng bayan.

Ang state of calamity ay aprubado ng Sangguniang Bayan sa ilalim ng Resolution Number 2022-092.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa P173,333,483.62 ang halaga ng pinsala sa lahat ng sektor kabilang na ang agrikultura, imprastraktura at turismo ng bayan.

Kasama na rin sa napinsala ang municipal building na sasailalim sa tatlong buwan na rehabilitasyon ayon sa Engineering Department ng Bauko local government.

Sa ngayon, inilipat muna sa municipal gym, auditorium at regional evacuation center ang mga apektadong opisina at empleyado habang nasa 6,602 indibidwal naman ang apektado at 22 ang naitalang nasugatan o nasaktan at may isang namatay dahil sa lindol.

Patuloy ang clearing operation sa Mt. Data Cliff, Bauko, Mountain Province kung saan nananatiling sarado ang bahagi ng Halsema Highway dahil sa rockslide bunsod pa rin ng lindol.

Inaasahang sa susunod na mga araw ay mabubuksan na rin ang kalsada doon. Pero sa ngayon, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga itinalagang alternatibong kalsada.

Maaring dumaan ang mga light vehicles sa Sadsadan-Salin-Balicanao Provincial Road, habang pwedeng dumaan ang lahat ng uri ng sasakyan sa Abatan, Bugiuas-Mankayan-Cervantes-Tadian-Bontoc Road.

Sa advisory naman ng DPWH Mountain Province District Engineering Office ngayong Sabado, sarado rin ang bahagi ng Mt. Province-Cagayan via Tabuk-Enrile Road dahil sa muling pagguho ng lupa at mga bato. Nagsasagawa na ng clearing operation sa nasabing kalsada.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial