Magandang balita

By TDT

2 days ago

Mukhang makakahinga nang maluwag kahit paano ang ating mga public utility vehicle drivers at mapapahinga rin sa paggastos dahil umano sa inaasahang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo.

Isang magandang balita ito para sa lahat dahil talaga namang halos hindi na makabangon ang ating mga kababayan sa nararanasang pagtaas ng mga presyo ng bilihin nitong mga nakaraang linggo.

Ayon sa galaw ng oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw sa Mean of Platts Singapore (MOPS), maglalaro umano sa P1.70 hanggang P2 bawat litro ang maaaring mabawas sa diesel habang P1.50 hanggang P1.80 per liter naman sa gasolina.

Maaari rin umanong magkaroon ng bahagyang pagbabago sa presyuhan depende sa kalalabasan sa galaw ng kalakaran sa pandaigdigang merkado sa krudo sa Biyernes.

Sinabi naman ni Department of Energy Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na mahigit P1/L ang maaaring maging rollback sa gasolina at diesel sa susunod na linggo.

Isa mga nakikitang dahilan ng rollback ay ang epekto ng ipinatupad na bagong pagtaas ng US Federal Reserve noong nakaraang buwan.

Sa pinakahuling paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo, umabot na sa P19.65 per liter ang net increase sa gasolina at P32.35 per liter sa diesel ngayong taon.

Hindi maikakailang magandang balita ito para sa ating mga kababayan.

Sana lang ay magtuluy-tuloy ito upang hindi na gaanong mahirapan pa ang bansa na humaharap pa rin sa banta ng pagtaas ng COVID-19 cases at ng monkeypox.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial