Sandara Park, sinorpresa si Manay Lolit

August 3, 2022

Sinorpresa ng K-Pop superstar na si Sandara Park ang beteranang showbiz host at columnist na si Lolit Solis sa pamamagitan ng isang video message matapos mabalita ang pagkakasakit ni Manay Lolit.

Sa kanyang IG, ibinahagi ng veteran showbiz columnist ang ipinadala sa kanyang video ng Korean singer-actress na nagpasaya sa kanya nang bonggang-bongga sa gitna ng kinakaharap na problema sa kalusugan.

“Hello po, Nanay Lolit! Si Sandara po ito. Please get well soon para magkita tayo ulit sa Korea, okay? Hi, Salve, ingat kayo lahat!” saad ni Sandara sa kanyang video message.

Sa caption na isinulat ni Manay Lolit, nagpasalamat siya kay Sandara dahil kahit sikat na siya sa Korea ay naaalala at pinahahalagahan pa rin nito ang Pilipinas at ang mga nakatrabaho at kakilala niyang mga Filipino.

Sey ng veteran entertainment columnist, “Sobrang saya ko Salve ng ipadala ni Elena Budingding ang video greeting ni Sandara Park sa atin dalawa. Bongga talaga si Sandara na kahit sa Korea talagang naging mabait sa atin.

“Kaya nga hangang hanga ako sa kanya dahil mas mabait pa siya kesa ibang celebrities eh international ang standing ni Sandara. Kaya nga isa rin sa assets ni Sandara mga katulad ni Elena Budingding na maayos ang pag aalaga sa kanya, kaya hindi nawawala ang bonding niya sa mga friends niya dito sa Pinas. Salamat Sandara, forever grateful,” pahayag pa ni Manay.

Muling bumisita sa Sandara sa Pilipinas para mag-guest sa “Kpop Masterz in Manila 2022” nitong nagdaang Biyernes, July 29, kung saan tampok ang grupong Treasure, at ang GOT7 members na sina Bambam at Jackson Wang.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial